TUGUEGARAO CITY- Naglabas ng bagong panuntunan si Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City kaugnay sa pag-uwi ng mga locally stranded individuals (LSIs) at mga returning overseas Filipiinos (ROFs) ngayong may pandemiyang COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Soriano na isasailalim pa rin sa 14-day quarantine sa Tuguegarao City ang mga uuwing OFWs na galing sa kalakhang Maynila.
Bagamat dumaan sa proseso at na-quarantine ang mga OFWs sa Maynila subalit sinabi ng alkalde na may mga ROFs na hindi na tinatapos ang kanilang 14-days quarantine sa Maynila matapos matanggap ang negatibong resulta ng kanilang PCR test.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na kailangan nilang tapusin ang quarantine days sa Tuguegarao City upang mabuo ang 14-days.
Tiniyak ni Mayor Soriano na walang gagastusin ang mga OFW o LSIs habang naka-quarantine sa pasilidad ng pamahalaan na naka-aircon, may pagkain at libreng wi-fi connection.
Habang sariling gastos na kung ang pipiliin nito ay ma-quarantine sa hotel at tanging pagkain lamang ang ibibigay ng LGU.
Habang sa mga LSI’s o mga taong gusto nang makabalik sa kanilang tirahan matapos ma-istranded sa mga lugar na inilagay sa kategoryang moderate o low-risk ay hindi na kailangang sumailalim ng quarantine sa lungsod kung COVID-free positive ang lugar na kanyang pinanggalingan.
Paliwanag ng alkalde na nais lamang niyang masiguro na hindi magkakaroon ng ikalawang wave ng sakit sa lungsod sa pag-uwi ng mga LSIs at ROFs.
Samantala, inanunsiyo ni Mayor Soriano na puwede nang magdaos ng mga religious gathering basta’t sampung katao lang ang dadalo base sa panuntunan ng National IATF.
Sa oras aniya na isailalim sa modified general community quarantine ang lungsod ay papayagang nang dumalo sa misa ang kalahati sa kapasidad ng simbahan.
Dagdag pa ng alkalde na magbabalik-operasyon na rin ang mga parlor at mga barber shop simula Hunyo 7 pero hanggang 30% sa kapasidad lang ang maaaring pumasok dito.
Ito ay upang matiyak na masunod ang physical distancing bilang pag-iingat sa posibleng hawahan ng COVID-19.
Bagamat niluwagan na ang quarantine restrictions, sinabi ng alkalde na ay hindi pa pinapayagan na muling mag-operate ang local airlines sa Tuguegarao City Airport.