Inaasahang magkakaroon ng malaking balasahan sa Department of Transportation (DOTr) matapos na hilingin ng bagong talagang kalihim na si Vince Dizon sa lahat ng kasalukuyang opisyal ng ahensiya na magsumite ng kanilang courtesy resignations.
Sa isang memorandum na may petsang February 24, 2025, inatasan ni Dizon ang mga kasalukuyang undersecretaries, assistant secretaries, at directors na magsumite ng kanilang resignation hanggang bukas, February 26.
Inilabas ang kautusan para malaya na maipatupad ng bagong DOTr secretary ang kanyang mandato na ibinigay sa kanya ng pangulo ng bansa.
Itinalaga si Dizon bilang bagong secretary ng DOTr nitong unang bahagi ng buwan kasunod ng resignation ni Jaime Bautista, dahil umano sa kanyang kalusugan.
Bago ang kanyang appointment, si Dizon ay dating presidente ng Bases and Conversion Development Authority (BCDA), deputy chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 at dating presidential adviser for flagship programs and projects noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos ang kanyang panunumpa, ang unang marching orders ni Dizon ay ang pagsuspindi sa muling pagpapatupad ng cashaless toll collection sa lahat ng expressways na magsisimula sana sa March 15, kung saan sinabi niya na kailangan munang pag-aralan ang automated toll collection.