Nagpahayag ng kahandaang tumestigo ang isa sa mga kapatid ni whistleblower Julie Patidongan kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Elakim Patidongan, handa siyang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa sinapit ni Melbert John Santos, isang sabungero na sapilitang dinala mula sa isang cockpit arena sa Sta. Cruz, Laguna noong Enero 2022.

Inamin ni Elakim na siya ang lalaking nakita sa CCTV na nagwi-withdraw mula sa ATM gamit ang card ni Santos.

Aniya, isang pulis ang nag-utos sa kanya na suriin ang laman ng account, nang hindi niya alam noon na kabilang si Santos sa mga nawawala.

Ayon sa kanyang kapatid na si Julie, si Elakim ay saksi umano sa brutal na pagpaslang sa mga sabungerong pinaniniwalaang nandaya sa laro.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Biyernes, naghain ng kaso ang mga kaanak ng mga biktima laban kay gaming tycoon Charlie “Atong” Ang at iba pang personalidad, kaugnay sa umano’y kidnapping at pagpatay.

Wala pang pahayag ang kampo ni Ang ukol sa mga kasong isinampa.