
Iniulat ng maritime trackers ang panibagong pag-atake sa isang barko na dumadaan sa Strait of Hormuz, na muling nagpaigting sa pangamba sa seguridad ng suplay ng langis sa gitna ng lumalawak na giyera sa Middle East.
Ayon sa UKMTO o United Kingdom Maritime Trade Operations, tinamaan ng projectile ang isang sasakyang-dagat habang naglalayag sa estratehikong kipot. Hindi pa malinaw ang lawak ng pinsala at kondisyon ng mga tripulante.
Nangyari ito isang araw matapos pansamantalang isara ng Saudi Arabia ang East-West oil pipeline nito bilang pag-iingat matapos ang drone attack. Ang pipeline ay nakapagdadaan ng nasa apat hanggang limang milyong barrels ng langis kada araw, katumbas ng humigit-kumulang apat hanggang limang porsyento ng pandaigdigang suplay.
Dahil sa magkakasunod na pag-atake sa mga ruta ng langis, muling sumirit ang presyo ng krudo, kung saan lumampas sa 100 dolyar kada bariles ang Brent crude.
Samantala, humingi umano ng tulong militar ang Saudi Arabia sa Estados Unidos para labanan ang Houthi rebels, ngunit sinabi ng Washington na hindi muna ito direktang makikialam at sa halip ay tutulong sa intelligence.










