
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Bagyong Domeng sa Lunes ng hapon habang patuloy itong kumikilos pahilagang-hilagang kanluran bago lumihis patungong timog ng Japan.
Huling namataan si Bagyong Domeng sa layong 665 kilometro silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging 130 km/h at pagbugsong umaabot sa 160 km/h habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Bagama’t mababa ang posibilidad na mag-landfall sa bansa, magdadala pa rin ang buntot ng bagyo ng mga pag-ulan sa Gitnang Luzon, Cagayan at Isabela.
Patuloy ring nakaaapekto ang Habagat sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula at BARMM.
Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang-pandagat na mag-ingat o huwag munang pumalaot dahil sa maalong karagatan, lalo na sa Batanes at hilagang bahagi ng Luzon.






