Nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Bavi, na tatawaging “Inday” kapag pumasok sa bansa.

Ayon sa pinakahuling ulat, huling namataan ang bagyo sa layong 2,845 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hanging 205 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 250 kilometro kada oras, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Bagama’t wala pang direktang epekto sa bansa, inaasahang palalakasin ng Bavi ang southwest monsoon o habagat sa susunod na linggo, na maaaring magdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Samantala, patuloy namang nakaaapekto ang easterlies sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas na nagdudulot ng mainit at maalinsangang panahon, kasama ang posibilidad ng mga pag-ulan at thunderstorms.