Ganap nang lumakas bilang isang typhoon ang Bagyong Francisco habang patuloy itong kumikilos sa silangan ng Luzon.

Alas-5 ng hapon ngayong Linggo, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,170 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 135 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pahilagang-kanluran o west-northwestward sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Bagama’t hindi pa direktang nakaaapekto sa bansa ang bagyo, sinabi ng PAGASA na maaaring magdala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Bicol Region ang trough o buntot nito pagsapit ng Lunes.

Inaasahan din ang pagsisimula ng malalakas na pag-ulan dulot ng pinaigting na Southwest Monsoon o Habagat simula bukas.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, magdadala ang Habagat ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao at Palawan.

Posible ring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa ilang bahagi ng hilaga at silangang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands at Batanes, sa Lunes ng umaga.