
Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na maaaring gamitin ang bahagi ng P39.8 bilyong calamity fund sa 2026 national budget bilang fuel subsidy para sa mga sektor na lubhang maaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, tinanong ni committee chairman Sherwin Gatchalian kung maaaring gamitin ang pondo upang magbigay ng fuel subsidy sa transport sector.
Ipinaliwanag ni Budget Undersecretary Janet Abuel na may nakasaad na special provision sa General Appropriations Act of 2026 na nagpapahintulot na gamitin ang bahagi ng pondo para sa iba’t ibang krisis at sakuna.
Ayon kay Abuel, ang P23.4 bilyong alokasyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management Program ay maaaring gamitin sa mga serbisyong kaugnay ng pre-disaster activities, epidemya, krisis na dulot ng armadong tunggalian, insurgency, terorismo, at iba pang uri ng sakuna.
Dagdag niya, kung nagagamit ang calamity fund para sa ayuda sa mga lokal na emergency, maaari rin itong gamitin kung may epekto sa bansa ang mga international crisis.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na kung aabot sa $100 kada bariles ang presyo ng crude oil sa mga susunod na buwan, maituturing na ring parang nasa kalamidad ang sitwasyon ng bansa dahil sa epekto nito sa ekonomiya at mga sektor na gumagamit ng langis.








