Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang kapulisan sa mga responsable sa pamamaril sa alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan bandang 9:30 kagabi habang kasalukuyan ang kanyang campaign rally sa barangay hall ng Barangay Iluru Sur.

Bukod kay Mayor Joel Ruma, tinamaan din ng bala ng baril sa kanilang katawan ang dalawang iba pa na sina Merson Abiguebel at Melanie Talay.

Sinabi ni Police Captain Shiela Joy Fronda, information officer ng PNP Cagayan, batay sa initial report ng PNP Rizal, kasalukuyan ang picture taking ng grupo ng alkalde sa kanyang campaign rally nang biglang may narinig na mga putok ng baril.

Tinamaan sa kaliwang balikat si Mayor Ruma na agad na dinala sa ospital, subalit idineklara siyang dead on arrival.

Sinabi ni Fronda na galing umano sa bundok ng nasabing lugar ang bumaril sa alkalde.

-- ADVERTISEMENT --

Kaagad namang kumilos ang Rizal Police Station katuwang ang iba pang units ng Cagayan Police Provincial Office kabilang ang mga patrol units at nagpadala ng flash alarm sa lahat ng istasyon ng pulisya sa region 2.

Ipinapatupad rin ngayon ang mga high-risk checkpoints sa mga karatig-bayan upang maharangan ang pagtakas ng mga suspek.

Samantala, nagsasagawa na rin ng clearing operations ang Regional Mobile Force Battalion 2 sa lugar.