TUGUEGARAO CITY- Umaasa ang Armed Forces of the Philippines na lalo pang mapapaunlad ang kakayahan at skills ng mga sundalo kasabay ng isinasagawang Balikatan Exercises sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at US forces.
Sinabi ni Capt. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division na kasalukuyan ang amphibious operation drills sa Claveria sa pagitan ng Marine Battalion Landing team 10 at US forces na magtatapos bukas habang sa Cagayan North International Airport sa bayan ng Lallo ay ang combined High Mobility Anti- Rocket System drill kalahok naman ang special forces.
Bukod dito, sinabi ni Pamittan na magkakaroon din ng iba pang aktibidad tulad ng humanitarian assistance drill at iba pang training gamit ang mga bagong kagamitan ng AFP tulad na lamang ng mga fighter jets, night attack aircraft, drones, helicopters, personnel carrier at iba pa.
Kasalukuyan din aniya ang paggawa ng mga sundalo ng apat na paaralan sa Cagayan at Isabela at nakatakdang ipasakamay ito sa April 8, 2022.
Sinabi ni Pamittan na dalawang araw ang Balikatan sa Claveria at Lallo habang ang iba pang aktibidad ay sa ibang lugar.
Ayon kay Pamittan, 8,900 na mga sundalo ng US at AFP ang kalahok sa Balikatan exercises.
Kaugnay nito, sinabi ni Pamittan na ang papel naman ng 5th ID ay tumukoy ng mga lugar para sa Balikatan at pagtiyak sa seguridad ng mga kalahok.