
Nakatakda nang umarangkada ngayong Lunes, Oktubre 13, ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa idaraos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang pag-iimprenta ng mahigit sa 90 milyong balota ay sisimulan dakong ala-1:00 ng hapon sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.
Sa naturang bilang, 69 milyon ang balotang ilalaan para sa barangay elections habang 23 milyon naman para sa SK polls.
Kasama rin sa iimprenta ang mga official ballots at accountable forms na gagamitin sa BSKE.
Ipinaliwanag ni Garcia na nagdesisyon silang simulan na ang pag-iimprenta ng mga balota, mahigit isang taon pa bago ang araw ng halalan, upang matiyak na sapat ang kanilang paghahanda at makapaglaan sila ng pagkakataon na tugunan ang anumang maaaring kaharaping isyung teknikal o logistical.
Posible rin naman aniyang umabot pa sa kabuuang 95 milyon ang kakailanganing balota para sa halalan dahil na rin sa nakatakdang pagsisimula muli ng voters’ registration sa Oktubre 20, na magtatagal hanggang sa Mayo 18, 2026.
Nakatakda sanang idaos ang BSKE sa Dis. 1, 2025 ngunit ipinagpaliban sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.