Pangungunahan ng Ban Toxics ang Philippine Healthcare and Mercury Waste Management activity bukas sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City bilang bahagi ng kanilang kampanya sa paggunita ng Zero Waste Month ngayong Enero.

Sinabi ni Thony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, ipapakita at ituturo nila ang tamang pangangasiwa sa medical waste kabilang ang mercury na maituturing na mapanganib na kemikal na kailangan ang maingat na pagtatapon.

Ayon sa kanya, titignan din nila kung maayos na napapangasiwaan ng CVMC ang kanilang mga basura para aaralin at magbibigay ng mga suhestion kung may mga makitang pagkukulang.

Iginiit ni Dizon na mahalaga na maipaintindi sa bawat isa ang problema sa medical waste at iba pang mga basura na kailangan na malapatan ng mga solusyon upang mabawasan ang mga ito para sa mas malinis na kapaligiran.

Kasama sa kanilang aktibidad ang mga lokal na pamahalaan at ibang environmental groups.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa medical waste, isa rin sa ikinakampanya ng Ban Toxics ay ang tamang pagtatapon ng mga tira-tirang pagkain o food waste.

Ayon sa kanya, maraming maaaring gawin sa mga food waste tulad na lamang paggamit dito na pataba ng lupa para sa urban gardening.

Dahil dito, sinabi ni Dizon na mahalaga ang waste segration upang mabawasan ang mga itinatapon na mga basura.

Idinagdag pa ni Dizon na patuloy din ang kanilang information dessimination para sa zero toxic and zero waste sa mga paaralan.

Ayon sa kanya, ang kanilang patuloy na kampanya ay dahil sa kokonti pa lamang ang sumusunod sa batas tungkol sa waste management.