TUGUEGARAO CITY– Sinunog ng mga dating taga suporta ang bandila ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) sa bayan ng Lal-lo kasabay ng kanilang pagsuko sa pamahalaan.
Ito ay bilang pagpapakita sa kanilang pagkalas sa grupo ng mga makakaliwang pangkat.
Una rito ay sumuko sa pamahalaan ang 35 dating miyembro ng NPA na kinabibilangan ng tatlong regular NPA na kinilalang sina alyas Ka Ed, Ka Ruben at Ka Timbong na mula sa Brgy. Bural, Rizal Cagayan.
Iprinisinta sila sa mga miyembro ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa bagong kampo ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army sa Bangag, Lal-lo.
Kasabay nito ay naghayag din ng hinaing ang mga punong barangay ng Bural, Masi at San Juan na bumubuo sa Zinundungan Valley kung bakit madaling nahihikayat ang kanilang mga residente na umanib sa mga NPA.
Ayon kay Brgy. Chairman Evelyn Baloran ng Bural na ginagamit ng mga makakaliwang grupo ang sitwasyon ng walang development sa barangay upang sila ay makapanghikayat ng kanilang kasamahan.
Kaugnay nito ay umapela siya sa pamahalaan na maisaayos rin sana ang titulo ng kanilang mga lupa na nagiging sanhi ng pagtatalu-talo na sinasamantala naman ng mga NPA upang magrecruit.
Sinabi rin ni Necitas Bungad, punong Barangay ng San Juan na lagi silang binibisita ng mga makakaliwang grupo dahil sa kanilang problema sa transportasyon at kawalan ng maayos na kalsada.
Inihayag naman ni Lea Lagua kapitan ng Brgy. Masi na ginagamit ng mga NPA para mahikayat ang mga residente na sumuporta sa kanila ang issue sa pamamahagi ng tulong ng DSWD at DA.
Umaasa sila na sa pamamagitan ng paghahayag ng kanilang hinaing ay makukuha nila ang suporta ng pamahalaan laban sa pananakot at panghihikayat ng mga makakaliwang grupo.