Patuloy ang paghahanap sa isang bangka na nawawala sa isla ng Calayan, Cagayan buhat nitong araw ng Martes.

Sinabi ni Charles Castillejos, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDDRMO Calayan, sakay ng MV Ren-Zen ang limang crew at dalawang pasahero kabilang ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard na nakatalaga sa island barangay Dilam sa nasabing bayan.

Ayon kay Castillejos, agad silang nagsagawa ng paghahanap sa bangka kasama ang Philippine Coast Guard at tinawagan na rin nila ang mga island barangays subalit negatibo pa rin ang kanilang operasyon.

Idinagdag pa ni Vastillejos na humiling na rin si Mayor Joseph Llopis ng eroplano sa Northern Luzon Command ng AFP para sa aerial search, subalit hindi pa makalipad ang mga ito dahil sa malalakas na hangin.

Ayon kay Castillejos, umalis ng 4:30 a.m. noong Martes mula bayan ng Claveria ang bangka at dapat sana ay nakarating sa Calayan ng tanghali sa nasabi ring araw.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Castillejos na maayos naman ang panahon ng umalis ang bangka mula sa Claveria.

Ayon sa kanya, regular na bumabiyahe ang bangka papuntang Claveria na may dalang mga isda at pagbalik naman sa Calayan ay nagdadala ito ng mga grocery items at iba pa.

Aniya, nagkataon naman na sumakay ang isang pasahero at miyembro ng PCG dahil sila ay pupunta ng isla ng Dilam kung saan patungo ang bangka.

Sinabi niya na posibleng walang signal kung saan napadpad ang bangka kaya walang nakatawag sa kanila.