Naipasakamay na ng mga otoridad ang labi ng isang amasona o babaeng rebelde na nasawi matapos madaganan ng puno noong kasagsagan ng bagyo sa bulubunduking bahagi bayan ng Rizal, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Shiela Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, sa tulong at testimonya ng mga dating kasapi ng rebeldeng grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan ay natunton at narekober ng pinagsanib na pwersa ng kasundaluhan at pulisya ang mga labi ni alyas “Michelle”, isang agta at residente ng Brgy Peru, Lasam, Cagayan.

Ibinaon umano ang mga labi nito ng kanyang mga kasamang miyembro ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan at kabilang din sa nahukay ang isang M16 riffle at mga bala.

Sinabi ni Fronda na dalawang taon itong naging kasapi ng rebeldeng grupo.

Samantala, nasa pangangalaga na ng Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ang mga pampasabog na narekober ng pulisya bulubunduking bahagi ng Sitio Lanay, Sta Margarita sa bayan ng Baggao.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Fronda na sa tulong ng dalawang dating rebelde ay natunton ng pulisya ang limang grenade riffle na nakabaon sa lupa.

Bukod dito ay narekober din ang iba pang mga gamit tulad ng generator set, baterya, mga gamot at mga supersibong dokumento na nasa pangangalaga ng PNP-Baggao.