Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang natagpuang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng sapa sa Brgy Lipatan, Sto Niño, Cagayan noong Biyernes ng gabi, April 25, 2025.

Kinilala ng mga pulis ang biktima na si Jayson Cacal, nasa wastong gulang at residente ng Centro Norte, Sto. Niño.

Ayon sa ulat, bandang alas-11 ng gabi nang madiskubre ng mga residente ang duguan at wala nang buhay na katawan ni Cacal.

May tama ito ng baril at pinaniniwalaang iniwan sa lugar matapos ang isang campaign rally.

Napag-alaman din na bago dumalo sa campaign rally ay unang nagtungo ito sa isang salo-salo ng kaanak kung saan umano ito uminom ng alak.

-- ADVERTISEMENT --

Makalipas ang ilang oras, nakita umano siyang sumasakay sa isang motorsiklo kasama ang hindi pa nakikilalang driver.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen at ang mga posibleng salarin.

Wala pang malinaw na lead ang mga awtoridad kaugnay sa insidente.