Naibaba na mula sa kabundukan ang bangkay ng isang miyembro ng New Peoples Army na nasawi sa nangyaring engkwentro sa Brgy Bagtayan, Pasil, Kalinga noong Sabado, November 13.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt/Col Melanio Somera, commanding officer ng 50th Infantry Batallion na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nasawing rebelde na nakalagak ngayon sa punenarya para sa isasagawang post mortem examination.

Ayon kay Somera, naganap ang sagupaan matapos makatanggap ng impormasyon ang militar kaugnay sa pangingikil ng mga rebeldeng pangkat kung saan tumagal ng halos 35 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng sundalo at ilang miyembro ng Platoon Guevarra ng Kilusang Larangang Guerilla Baggas.

Narekober din ng mga operatiba ang isang M16 A1 riffle, mga bala at bandolier at mga kagamitan ng mga armadong grupo na pansamantalang nagkuta sa naturang lugar.

Posible rin umanong may nasugatan sa panig ng mga rebelde batay sa mga nakitang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan habang wala namang nasugatan sa panig ng militar.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy na tinutugis ng mga tauhan ng militar ang nakatakas na mga NPA.