Nanawagan ang mga awtoridad sa bayan ng Gonzaga, Cagayan sa sinoman na may nawawalang kamag-anak na makipag-ugnayan sa kanilang bayan kaugnay sa natagpuang bangkay ng lalaki sa ilalim ng tulay sa Barangay Pateng.

Sinabi ni Edward Gaspar, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), inilibing na nila sa public cemetery ang bangkay dahil sa naaagnas na ito.

Ayon sa kanya, maaari namang hukayin ang bangkay kung may kukuha dito.

Ang bangkay ay tinatayang nasa edad 50, mataas na mahigit limang talampakan, at bahagyang kalbo.

Sinabi ni Gaspar na batay sa kanilang pagtatanong sa ilang residente, nakikita umano ang lalaki na pagala-gala at humihingi ng pagkain.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na sa ilalim umano ng tulay o sa sementeryo natutulog ang nasabing lalaki.

Ayon kay Gaspar, isang residente na papunta sana sa ilog para maligo ang nakakita sa nasabing bangkay.