Dumating na sa Iloilo City nitong Martes ng gabi ang mga labi ng nasawi na Overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jill Muya.

Si Muya ay natagpuang patay sa loob ng kanyang silid noong Disyembre 31, 2025, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw sa kanyang pamilya ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagtrabaho si Muya sa Abu Dhabi, United Arab Emirates ng mahigit 20 taon.

Mula sa paliparan, agad na dinala ang mga labi ni Muya sa isang punerarya bago ito iuuwi sa kanilang tahanan sa Barangay Cubay, Jaro, Iloilo City.

Nagpasalamat ang pamilya na sa wakas ay nakauwi na ang mga labi ng kanilang ina, ngunit patuloy pa rin silang nananawagan ng hustisya at ng malinaw na paliwanag tungkol sa sinapit nito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 ang tulong at suporta para sa pamilya ni Muya.

Sa kasalukuyan, inaasikaso na ng pamilya ang mga kinakailangang dokumento upang makuha ang financial assistance mula sa pamahalaan.