Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkakarekober ng katawan ng isang Coast Guard personnel matapos lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.

Narekober ang mga labi ng coastguardian na si Seaman First Class Alkhaizar Hadjail sa nagpapatuloy na search and rescue operations nitong Pebrero 1.

Nakumpirma ang pagkakakilanlan niya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pamilya.

Nagpahayag ng pakikiramay ang PCG sa pamilya ni Hadjail at tiniyak na susuportahan nila sila sa panahong ito ng matinding dalamhati.

Samantala, nilinaw ng PCG na ang kabuuang bilang ng nasawi sa insidente ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 ay 40, hindi 39 gaya ng naunang ulat.

-- ADVERTISEMENT --

Ang bilang ng mga nakaligtas o survivor ay nananatili naman sa 316.

Ayon kay Commodore Rejard Marfe, commander ng Coast Guard District Southwestern Mindanao, kabilang sa bilang ng nasawi ang isang anim na buwang gulang na babae, na itinurn-over sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Basilan noong Enero 26 bago dalhin sa Zamboanga City para sa maayos na paglilibing.

Natanggap ng PCG ang tamang bilang kasunod ng validation at coordination meeting kasama ang PDRRMO at ang City Disaster Risk Reduction and Management Office, na nagsama sa lahat ng iniulat na narekober.