
Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson laban sa mga tinawag niyang “homegrown traitors” na umano’y handang ipagkanulo ang soberanya ng Pilipinas kapalit ng pansariling interes.
Ayon kay Lacson, sa mahigit limang dekada niyang serbisyo sa gobyerno, kabilang ang mahabang karanasan sa intelligence work, malaking banta sa pambansang seguridad ang mga Pilipinong nagbebenta ng sensitibong impormasyon at interes ng bansa, isang gawain na tinutukoy bilang “recruitment in place.”
Sa pagdinig ng Commission on Appointments noong Pebrero 4, mariing tinutulan ni Lacson ang mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG), iginiit na ang pagsuko nito ay katumbas ng pagbibigay ng bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ipinaliwanag din niya na ang legal na batayan ng pag-angkin ng Pilipinas sa Spratly Islands ay nag-ugat sa pag-aangkin ng Pilipinong si Tomas Cloma sa ilalim ng prinsipyo ng res nullius, na kalaunan ay isinuko sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy na naninirahan at naninindigan ang mga Pilipino sa KIG sa Palawan bilang patunay ng soberanya ng bansa sa nasabing teritoryo.










