TUGUEGARAO CITY-Ikinalungkot ng Bantay Bigas Group ang tuluyang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Cathy Estabillo ng nasabing grupo na magdudulot umano ito ng malawakang pagkalugi at kagutuman sa mga magsasaka.
Ayon kay Estabillo na tiyak na mararamdaman ang epekto nito sa darating na buwan ng Setyembre kung saan naalis na ang kapangyarihan ng National Food Authority o NFA na i-regulate ang presyuhan ng bigas sa merkado.
Muli niyang iginiit na hindi sila naniniwala na bababa ang presyo ng bigas kung babaha ang imported na bigas gaya ng langis na isinailalim sa trade liberalization.
Dahil dito, gumagawa ng kaukulang hakbang ang grupo para kuwestiyonin at ipawalang bisa sa korte suprema ang nasabing batas na umano’y lalong magpapahirap sa mga magsasaka.