TUGUEGARAO CITY- Magsasagawa ng malawakang protesta at signature campaign ang bantay bigas kasama ang iba’t-ibang organisasyon at mga grupo ng magsasaka, bukas, Oktubre 16, 2019 para ipakita ang pagtutol sa Rice Tarrification Law.
Ayon kay Cathy Estabillo ng Bantay Bigas Group , isasabay ang kilos protesta sa pagdiriwang ng World Food Day ngunit tatawagin nila itong World Food “less” day.
Aniya, ito ay dahil sa dami ng bilang ng mga magsasaka na nagugutom sa bansa dahil sa patuloy na pagkalugi at pagbili ng kanilang mga aning palay sa mababang presyo.
Kakalampagin din ng kanilang grupo ang tanggapan ng Department of Agriculture (DA) dahil sa kawalan ng aksyon sa mga nararanasang problema ng mga magsasaka.
Magkakaroon din umano ng caravan sa Nueva Ecija kung saan sa dulo ng Caravan ay magtutungo ang kanilang grupo sa National Food Authority(NFA) para ipanawagan na tanggalin ang mga ilang restriction sa pagbili o mga kinukuhang papeles bago bilhin ang mga aning palay.
Makikisabay din ang grupo ng mga magsasaka sa rehiyon dos sa nasabing protesta at signature campaign sa Ilagan City, Isabela.
Sinabi ni Estabillo na target nilang makalikom ng lagda na aabot sa 11,203 para sa pagtutol ng Rice Tarrification Law hanggang bukas kung saan ay nasa kalahati na ang kanilang nalilikom.
Paliwanag ni Estabillo ang malilikom na lagda ay ipiprisenta sa kongreso para makita at mabatid sa kongreso na madaming mga magsasaka ang tumututol sa nasabing batas.