Patay ang isang barangay kapitan habang sugatan ang siyam na iba matapos na maaksidente sa Barangay Pared, Alcala, Cagayan kaninang hatinggabi.

Kinilala ang namatay na si Jesus Calatican, 54-anyos ng Barangay Lablabig, Claveria, habang ang mga sugatan ay sina China Rubio 57-anyos, Andres Rubio, 52-anyos; Rosalie Udac, 65-anyos; Princess Udac, 26-anyos pawang residente ng Brgy. Lablabig; Edimar Pascua, 49-anyos; Benelyn Martinez, 44-anyos; Pedro Cabangin, 65-anyos at dalawang menor-de-edad na pawang residente naman ng Brgy. Kilkiling.

Ayon kay Herome Ibarra, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Alcala, papuntang Isabela ang mga biktima mula sa bayan ng Claveria nang mangyari ang insidente gamit ang sasakyan ng barangay.

Sinabi niya na nang makarating ang mga biktima sa pakurbang bahagi ng daan sa Brgy. Pared ay dumiretso ito na sanhi nang pagkahulog ng sasakyan na minaneho mismo ng kapitan.

Sinabi ni Herome, posibleng hindi umano kabisado ng kapitan ang daan sa lugar na dahilan ng aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang rumesponde ang mga kawani ng MDRRMO at kapulisan pero naipit ang driver at nagtamo ng malubhang sugat na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan ang ibang sugatan habang ang ibang biktima ay inilipat sa lungsod ng Tuguegarao para sa agarang medikal na atensyon.