TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa “lockdown” ang Barangay Nabbotuan, Solana matapos magpositibo sa coronavirus disease (Covid-19) ang isa nitong residente.
Ayon kay Barangay Chairman Orlando Viernes ng Barangay Nabbotuan, bagamat negatibo na sa pangalawang swab test ang pasyente, tuloy pa rin ang mahigpit na pagmonitor sa lugar para makaiwas sa pagkalat ng virus.
Aniya, hindi pinapayagan ang kanyang mga residente na lumabas para mamalengke, sa halip ay nagtatakda lamang ng indibidwal para utusan na bibili ng mga kinakailangan sa lugar.
Ngunit, sinabi ni Viernes na susubukan niyang makiusap sa kanilang munisipyo na gawing mas maagang ibaba o alisin ang lockdown dahil negatibo na sa virus ang pasyente para hindi na mahirapan ang mga magsasaka na kasalukuyang nagtatanim ng palay at mais.
Dagdag pa ni Viernes, negatibo rin sa virus ang ama ng pasyente batay sa isinagawang rapid test sa kanya.
Kaugnay nito, nanawagan ang kapitan sa kanyang mga residente na sumunod sa mga alituntunin laban sa covid-19 para hindi mahawaan o makahawa ng virus.