
Narekober ang isang .357 Smith & Wesson Magnum revolver mula sa school bag ng isang 14-anyos na estudyante sa Lut-od National High School sa Pinamungajan, Cebu nitong Huwebes.
Ayon sa Cebu Police Provincial Office, natuklasan ang baril na walang bala dakong alas-3:50 ng hapon matapos magsagawa ng surprise inspection ang isang guro.
Batay sa paunang imbestigasyon, pagmamay-ari umano ng lolo ng menor de edad ang baril at nakatago sa isang cabinet sa kanilang bahay sa Barangay Lut-od. Kinuha umano ito ng bata at dinala sa paaralan noong Agosto 20.
Nasa pangangalaga ngayon ng kaniyang mga lolo at lola ang estudyante habang nagtatrabaho sa labas ng bayan ang kaniyang mga magulang.
Dinala ang menor de edad sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang intervention, kasama ang koordinasyon ng kaniyang mga magulang o guardian.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.










