Dumami na naman ang presensya ng mga naval at coast guard vessels ng China sa West Philippine Sea (WPS), base sa huling monitoring ng Philippine Navy na ipinoste nitong Martes ng gabi.
Kabilang sa namonitor nila ang siyam na People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels at 13 China Coast Guard (CCG) vessels na naispatan mula Agosto 6 hanggang 12.
Bukod dito ay dalawa pang China Research at Survey Vessels (CRSVs) ang naispatan na umaaligid nitong mga nakalipas na linggo.
Samantala, ang bilang ng mga namonitor na China Maritime Militia Vessels (CCMVs) ay nasa 68 mula sa 106 na nakita sa naturang teritoryo.
Base pa sa report, ang 13 CCGVs na naispatan sa WPS, tatlo rito ay sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, lima sa Ayungin, dalawa sa Pagasa Island at tatlo naman sa Sabina Shoal.
Ang siyam na barko naman ng PLAN ay umaaligid naman sa Ayungin, dalawa sa Pagasa, isa sa Likas Island, isa sa Patag Island, tatlo sa Sabina at isa sa Iroquois Reef.
Idinagdag pa dito na ang 68 CMMVs ay kinabibilangan naman ng anim sa Bajo de Masinloc, apat sa Ayungin, 37 sa Pagasa, dalawa sa Lawak Island, anim sa Panatag Island at 13 sa Sabina. Ang dalawa namang CRSVs ay nasa bahagi ng Patag at Ayungin.
Nagpapatuloy naman ang maritime patrol ng Philippine Navy at air patrol ng Philippine Air Force (PAF) sa WPS.