
Tiniyak ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, Chairman ng House Committee on Ethics and Privileges na bibigyan ng sapat na pagkakataon si Cavite Rep. Kiko Barzaga na makapaglatag ng kaniyang depensa sa mga panibagong reklamo na kinakaharap nito.
Ang komite ay nakatakdang magpulong sa susunod na linggo at nakatakdang imbitahan si Barzaga at ang mga complainants.
Ito ay sa kabila na una nang sinabi ni Barzaga na hindi siya dadalo sa panibagong pagpapatawag ng Ethics Committee.
Ayon sa chairman ng komite, lahat aniya ng miyembro at sangkot sa usaping ito ay padadalhan ng imbitasyon upang matalakay ang laman at pakiusap ni Manila Rep. Roland Valeriano sa plenaryo na muling patawan ng panibagong suspensyon ang batang kongresista upang maturuan umano ng tamang aral.
Bago pinagtibay ang mosyon sa plenaryo ukol sa muling pagpapatawag kay Barzaga ng Ethics Committee ay tumayo din si Rizal Rep. Emigdio “Dino” Tanjuatco III kasunod ni Valeriano na siyang nagsulong upang ang mga panibagong reklamo ay dinggin ng komite.
Giit pa ni Abalos na ang ganitong pagdinig at pagpapatawag ng Ethics Committee ay pwede ring gawin sa sinumang miyembro ng Mababanng Kapulungan ng Kongreso depende sa bigat ng reklamo.
Aniya ang komite ay nagrerekomenda lamang ngunit ang magdedesisyon pa rin ay ang kabuuan ng mga mambabatas pagdating sa plenaryo.
Kabilang sa panibagong reklamo na ibinato laban kay Barzaga ni Valeriano ay ang diumano’y mga post nito sa kaniyang Facebook na sinuhulan umano ng bilyonaryong negosyante na si Enrique Razon ang mga kongresista upang muling iboto si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker sa 20th Congress at ang pagdawit nito sa yumaong Antipolo Rep. Romeo Acop sa mga ghost projects.










