
Naghain ng disbarment case si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Korte Suprema laban kina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at ilang matataas na opisyal ng Department of Justice kaugnay ng pag-aresto at paglipat ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa legal counsel ni Baste na si Atty. Israelito Torreon, kabilang din sa kaso sina DOJ Undersecretary Nicky Ty at Prosecutor General Richard Fadullon.
Inihain umano ang reklamo dahil sa umano’y paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) na sumasaklaw sa etikal na pamantayan ng mga abogado.
Kaugnay nito, umaasa ang kampo ni Baste Duterte na magiging hadlang ito sa aplikasyon ni Remulla sa posisyon ng Ombudsman.
Gayunman, iginiit ng abogado ni Baste na pangunahing layunin ng kaso ay papanagutin ang mga opisyal sa kanilang mga naging hakbang.
Samantala, tumanggi muna ang mga respondent na magbigay ng pahayag hangga’t hindi pa nila nababasa ang kabuuang reklamo.