Naghahanda na ang probinsya ng Batanes sa posibleng epekto ng papalapit na Bagyong Uwan, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit inaasahang tatama sa Northern at Central Luzon sa mga susunod na araw.

Ayon kay Fire Superintendent Franklin B. Tabingo, Provincial Director ng BFP Batanes, nagsagawa kanina, November 6, 2025, ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Meeting ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Basco upang paghandaan ang posibleng pre-evacuation sa mga high-risk areas, tiyakin ang kahandaan ng mga evacuation centers, i-activate ang Emergency Operations Center (EOC), tiyaking naka-preposition na ang mga relief supplies para sa agarang deployment, at magtalaga ng mga post-disaster response teams para sa damage assessment at recovery operations.

Sinabi ni Tabingo na may ilang residente na nagsimula nang magtali ng kanilang mga bubong bilang paghahanda, habang ang iba naman ay hindi na tinanggal ang mga tali mula noong nanalasa ang Bagyong Nando.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ng pagpupulong buksd, Nobyembre 7, 2025, ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Batanes upang alamin ang antas ng kahandaan ng buong probinsiya sa pagdating ng bagyo.