Gumanti ang isang 10-year-old na lalaki sa kanyang ama matapos na siya ay pagalitan dahil sa hindi niya tinapos ang kanyang homework sa Yongning County sa China.

Tumawag ang bata sa mga pulis at isinumbong na may itinatago ang kanyang tatay na ipinagbabawal na gamot.

Matapos siyang pagalitan ng husto ng kanyang tatay, lumabas ang bata at pumunta sa isang tindahan at nakigamit ng telepono.

Tinawagan ng bata ang 110, ang emergency number ng China, at hiniling na gusto niyang makausap ang pulisya, kung saan sinabi niya na may patunay siya na nagtatago ang kanyang tatay ng poppy shells, ikinokonsidera na iligal na droga.

Kalmado siyang naghintay sa mga pulis para samahan niya ang mga ito sa kanilang bahay para sa paghalughog at makumpirma ang kanyang sinabi.

-- ADVERTISEMENT --

Nakakita naman ng mga pulis ng walong tuyong poppy shells sa balkonahe ng bahay, at inamin ng tatay ng bata na binili niya ito subalit sinabi niya na ito ay para sa medical purposes.

Bagamat may medicinal value ang nasabing iligal na droga, dahil sa nakakabawas ito sa sakit na nararamdaman, nakakabawas ng stress, at nakakatulong sa pagtulog, nananatili itong iligal dahil sa iniuugnay ito sa produksiyon ng opium, ang droga na minsan ay nagpabagsak sa China.