Patay ang isang 10 taong gulang na lalaki na nag-aaral sa isang Japanese school sa southern China matapos na siyang saksakin habang papunta sa kanyang klase.

Ayon sa foreign ministry ng Tokyo, ito na ang ikalawang insidente ng pananaksak malapit sa Japanese school sa mga nakalipas na buwan.

Ayon naman sa foreign ministry ng China, inatake ang bata ng isang lalaki 200 metro ang layo mula sa tarangkahan ng Japanese school sa Shenzhen, isang tech-hub metropolis na matatagpuan ang maraming negosyo ng Japanese.

Hindi tinukoy ng mga awtoridad ng Japan at China ang nationality ng biktima.

Subalit, kailangan ang Japanese nationality sa enrollment sa Shenzhen Japanese school.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng foreign ministry ng Japan na nakakalungkot ang nasabing insidente at muli nilang hiniling sa China na tiyakin ang seguridad ng Japanese nationals sa nasabing bansa.

Nangyari ang insidente sa sensitibong petsa, ang anibersaryo ng “918” incident noong 1931, nang pasabugin ng mga sundalo ng Japan ang Japanese-owned railway sa northeast China sa tangka na kubkubin ang rehion.