Kinondena ng ilang mambabatas mula sa Batangas ang umano’y walang basehan at mapanirang pahayag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste laban kay Executive Secretary Ralph Recto at Batangas Governor Vilma Santos-Recto kaugnay ng alegasyon ng vote buying at pagtanggap umano ng malaking halaga mula sa mga contractor.

Ayon sa resolusyong inihain ng mga kongresista, ang pagbibigay ng mga hindi beripikadong akusasyon sa isang privilege speech ay itinuturing na maling paggamit ng kapangyarihan sa Kamara at nakasisira sa integridad ng institusyon.
Giit ng resolusyon, ang mga paratang ni Leviste ay hindi suportado ng anumang matibay o dokumentadong ebidensya at nakabatay lamang sa mga hindi kumpirmadong impormasyon.

Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon si Batangas 6th District Representative Ryan Recto, anak ng mag-asawang Recto, kasama sina Batangas 4th District Representative Amado Carlos Bolilia IV, 3rd District Representative King George Collantes, 5th District Representative Beverly Rose Dimacuha, at 2nd District Representative Gerville “Jinky Bitrics” Reyes-Luistro.

Binigyang-diin din ng mga mambabatas ang umano’y matagal nang serbisyo publiko at integridad ng mag-asawang Recto.

Una rito, sa kanyang privilege speech, inakusahan ni Leviste si Ralph Recto ng pagtanggap umano ng hindi bababa sa isang bilyong piso mula sa mga contractor at iniugnay rin ang ilang kapwa mambabatas sa umano’y vote buying sa halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Ikinabahala rin ng mga Batangas lawmaker ang tinawag nilang paulit-ulit na paglalabas ng mga hindi kumpirmadong pahayag at alegasyon na umano’y nakakasira sa tiwala ng publiko.

Sa resolusyon, pormal na kinondena ng Kamara ang mga pahayag ni Leviste at pinagtibay ang suporta kina Executive Secretary Recto at Governor Santos-Recto.