TUGUEGARAO CITY- Nanawagan si Bayan Muna Partylist Representative Francisco Gaite na magkaroon muli ng pagdinig ukol sa reklamong human rights violations ng Oceanagold Philippines sa Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Gaite na ito ay upang mabigyan ng mas malinaw na talakayan sa nasabing usapin matapos na hindi ito malawak na natalakay sa unang pagdinig sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya na pinangunahan ng Committee on Indigenous People and Cultural Communities.
Bukod dito, sinabi ni Gaite na dapat na isagawa ito sa neutral na venue at hindi sa mismong compound ng mining companya na inirereklamo.
Sinabi ni Gaite na ito ay upang hindi na sabihin na sarswela ang pagdinig dahil sa ang unang pagdinig ay ginawa sa compound ng Oceanagold.
Dahil dito, marami ang hindi dumalo dahil sa takot din at hindi rin sila mabigyan ng pagkakataon na makapaghayag ng kanilang saloobin at mga pananaw.
Sinang-ayunan naman ito ni Leon Dulce, national Coordinator ng KALIKASAN.
Ayon sa kanya, dapat na isagawa sa nuetral ground ang susunod na pagdinig at mabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga tutol sa operasyon ng Oceanagold na ilatag ang kanilang mga pananaw at mga ebidensiya umano ng human rights violations ng mining company.