Tuguegarao City- Nakatakdang isailalim sa sampung araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang bayan ng Baggao mula Enero 21-30 ngayong taon bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa panayam kay Mayor Joanne Dunuan, ito ay batay sa pagsang-ayon ng Regional Inter-Agency Task Force upang ma-contain ang pagkalat ng virus sa lugar.

Sinabi niya na sa oras na pairalin na ang MECQ sa Baggao, lalo na nilang lilimitahan ang galaw ng publiko kung saan ang mga kabataan at mga Senior Citizen ay hindi papayagang lumabas.

Palalawigin din ang kanilang curfew mula alas-7 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Mananantiling limitado rin aniya ang maaaring isakay ng mga namamasadang tricycle at lilimitahan ang iba’t ibang social gatherings.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa alkalde, hahanapan nila ng travel authority at mga declaration pass ang mga nais pumasok sa kanilang bayan na mula sa ibang municipal sa Cagayan.

Antigen swab test results, travel pass at iba pang kaukulang dokumento naman ang hahanapin sa mga magmumula sa ibang probinsya.

Sinabi pa ni Dunuan na nakatakda rin silang magsagawa ng aggressive community testing sa kanilang bayan upang malaman ang mga hakbang na dapat ipatupad upang tuluyang macontain ang pagkalat ng virus sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay nasa mahihit 60 ang binabantayang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Baggao.