Tuguegarao City- Nananatiling “Zero COVID-19 Case” pa rin ang bayan ng Calayan bunsod ng mahigpit na implimentasyon ng Enhanced Community Quarantine sa lugar.

Sa panayam kay Mayor Joseph Llopis, mahigpit ang kanilang pamunuan sa pagpapatupad ng lockdown.

Sa ngayon ay wala aniya silang pinapayagang makapasok sa kanilang lugar upang makaiwas sa mga carrier ng virus at mapanatiling ligtas sila sa banta ng COVID-19.

Giit nito ay wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lugar habang ang mga umuwing residente mula sa iba’t-ibang lugar na sumailalim sa home quarantine ay hindi nakitaan ng sintomas ng sakit.

Patuloy aniya sila sa pamamahagi ng mga ayuda at mga relief goods sa mga residente upang matulungan ang mga nangangailangan lalo na sa epekto ng umiiral na ECQ sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Muli naman itong nanawagan sa publiko na sumunod sa mga pinatutupad na batas at mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng virus na dulot ng COVID-19.