Planong magbigay ng ₱3,000 fuel subsidy sa bawat maliliit na mangingisda ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang makatulong sa tumataas na presyo ng langis.

Ayon kay BFAR National Director Elizer Salilig, may nakalaang ₱50 milyon na pondo na naka-deposito sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa programa, na maaaring makinabang ang humigit-kumulang 15,669 mangingisda.

Sinabi ni Salilig na inaasahang mailalabas ang supplemental agreement para sa subsidy sa susunod na linggo, at layunin ng ahensya na mapabilis ang pamamahagi nito.

Gayunman, aminado ang BFAR na maliit lamang ang ₱3,000 kaya humihiling pa sila ng karagdagang ₱25 milyon na pondo.

Ipinaliwanag naman ni BFAR Assistant Director Zaldy Perez na hindi lahat ng mangingisda ang makakatanggap ng tulong dahil nakalaan ito sa may mga motorized banca lamang, na tinatayang nasa 200,000 ang rehistrado sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Department of Agriculture Undersecretary for Fisheries Drusila Bayate na uunahin sa programa ang mga mangingisda mula sa mga fifth class municipalities.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni committee chairperson Senador Francis “Kiko” Pangilinan na kulang ang ₱3,000 na tulong lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa BFAR, kung madadagdagan ang pondo ng programa, posibleng itaas ang subsidy sa ₱5,000 kada mangingisda.