Isinumite na para sa resolusyon sa Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong plunder at graft na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Senador Jinggoy Estrada at dating Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project sa Bulacan.

Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, nakapagsumite na ng kani-kanilang counter-affidavit sina Estrada, Bonoan, at iba pang respondents sa kaso.

Sinabi ng DOJ na mayroong 60 araw ang mga piskal upang maglabas ng resolusyon, na maaari pang palawigin ng hanggang 30 araw kung kinakailangan.

Kaugnay ng pahayag ng kampo ni Estrada na may mga hindi tugma o “inconsistent” na testimonya mula sa ilang testigo, sinabi ng DOJ na nakasalalay na ito sa pagsusuri ng mga piskal sa ebidensiya.

Ayon sa ahensya, susuriin ng mga piskal kung sapat ang mga ebidensiya upang makabuo ng prima facie case na may makatwirang posibilidad ng conviction. Kapag sapat ang ebidensiya, ihahain ang kaso sa korte; kung hindi naman, maaari itong ibasura.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap sina Estrada at Bonoan sa mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, plunder, at direct bribery kaugnay ng kanilang umano’y pagkakasangkot sa mga iregularidad sa flood control projects sa Bulacan.