Sinimulan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagproseso ng aplikasyon para sa accreditation ng mga truckers sa food lane access pass ng mga produktong isda sa Region 2.
Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 7 ng Department of Agriculture upang hindi maantala ang pagbiyahe ng mga produktong pang-agrikultura sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Para sa mga isda at by-products, sinabi ni Dr. Emma Ballad ng BFAR-RO2 na kailangan lamang ang kopya ng OR at CR ng registration ng sasakyan at kopya ng business permit para makakuha ng libreng accreditation sa BFAR.
Maaaring dalhin ang requirements sa walong offices ng BFAR RO2 sa Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya.
Nilinaw naman ni Ballad na tanging mga produktong ipapasok o ilalabas sa rehiyon ang bibigyan ng accreditation para sa special lane.
Para naman sa mga produktong galing sa rehiyon na ibibiyahe papunta sa ibat-ibang bayan sa probinsiya ay kailangan lamang ipakita sa checkpoint ang local transport permit at hindi na kailangan ang food lane access pass.
Siniguro naman ni Ballad na sapat ang suplay ng isda mula sa Navotas fish port, Dagupan at Bulacan na siyang nagsusuplay ng isda sa rehiyon dos.