TUGUEGARAO CITY-Nagbigay ng babala ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Baggao sa mga residente laban sa LPG scam.
Ayon kay FO3 Kristopher Balintec ng BFP-Baggao, siya mismo ang nakaranas sa mga nagbebenta ng LPG regulator na walang kaukulang permit.
Aniya, may mga nagtungo sa kanilang tahanan at inalok siya na bumili ng LPG regulator na nagkakahala ng P1500.
Hinanapan ni Balintec ang mga nagbebenta ng permit ngunit wala umano silang maipakita pero kanilang iginiit na meron silang mga dokumento mula sa BFP.
Dahil dito, nagpakilala na si Balintec na miembro ng BFP-Baggao kung saan nagmadali namang umalis ang mga nagbebenta.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Balintec ang publiko lalo na ang mga nasa liblib na lugar na huwag tangkilikin ang mga nagbabahay-bahay na nagbebenta ng LPG regulator dahil maari umano itong maging sanhi ng aksidente.
Sinabi ni balintec na dapat ay sa mga otorisadong pamilihan lamang bumili para siguradong ligtas na gamitin.