
Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng online love scams na gumagamit ng pangalan ng ahensya para makapanloko, at makakuha ng pera.
Sa inilabas na pahayag ng BI, sinabi nitong nakatanggap sila ng inquiry mula sa isang babae para i-verify ang email na umano’y ipinadala ng immigration official.
Tungkol daw ito sa delivery ng parcel mula abroad.
Nakasaad sa email na ang parcel ay dapat ipadadala ng kanyang foreigner na boyfriend ngunit hinarang ng Bureau of Immigration sa ilalim ng Ministry of Interior.
Mangangailangan pa raw ng bayad para mai-release ito.
Iniendorso na ng BI ang insidente sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division para imbestigahan ito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang tanggapan sa iba pang ahensya para sa kaparehong scams.
Dahil dito, nilinaw ng BI na limitado ang mandato nito sa immigration control at border management, at hindi sa clearance ng mga parcel.
Abiso rin sa publiko na maging maingat, at agad lumapit sa mga government agencies sakaling makaranas ng kaparehong insidente.









