Inaprubahan ng bicameral conference committee ang final version ng 2025 General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P6.352 trillion national budget para sa susunod na taon.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ang budget para sa Office of the Vice President ay nanatili sa P733 million.
Ang desisyon ng Kamara na bawasan ang budget ng OVP mula sa orihinal na panukala na P2 billion sa P733 million ay bunsod ng pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas kung paano ginamit ang budget ng OVP, kabilang ang confidential funds.
Pinanatili ng Senado ang budget na ipinasa ng Kamara para sa OVP sa kabilang ng panawagan ng mga kaalyado ni Duterte na ibalik ang ibang pondo para sa social services.
Una rito, sinabi ni Duterte na nasa 200 na personnel ng OVP ang mawawalan ng trabaho kung babawasan ang budget ng OVP sa susunod na taon.
Idinagdah pa niya na maaapektohan din ang ilang proyekto, kabilang ang libreng sakay sa bus at financial assistance sa mga satellite offices ng OVP kapag binawan ang kanilang budget.