TUGUEGARAO CITY-Tumaas ang bilang ng mga indibidwal na nako-contact trace ng mga healthcare wokers sa lungsod ng Tuguegarao na umaabot sa 150 hanggang 200 na katao kada-araw.

Ito’y kasabay ng muling pagtaas ng mga naitatalang kaso ng covid-19 sa lungsod nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Dr. Marcos Malillin ng City Health Office, dati ay nasa 50 katao lamang ang kanilang nako-contact trace pero dahil sa muling pagtaas ng kaso ng virus ay kinailangan nilang bilisan na alamin ang kalagayan ng mga nakakasalamuha ng mga pasyente.

Aniya, agad na isinasailalim sa RT-PCR test ang mga ito para agad na matukoy kung sila ay positibo o hindi sa nakamamatay na virus.

Sinabi ni Malillin na kailangan nila itong bilisan para hindi na kumalat ang nakamamatay na sakit lalo na at mayroon nang local at community transmission sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Lumalabas din sa kanilang monitoring na mataas ang transmission ng virus sa loob ng bahay na dahilan nang pagkakaroon ng hawaan sa bawat miembro ng pamilya.

Dahil dito, pinapabilis na ng kanilang tanggapan ang Community Isolation beds (CIU) na aabot sa 100 ang kapasidad maging ang idadagdag na bed capacity sa bahagi ng Gosi kung saan dito isasailalim sa isolation ang mga magpopositibo sa delta variant.

Tiniyak naman ng LGU na magbibigay ng food packs para sa mga indibidwal na mapapabilang sa home quarantine at mga midwife na ang magmomonitor sa kanilang kalagayan katuwang ang mga Brgy. Officials.

Mga Nurses naman na mula sa Department of Health, Brgy midwifes at Senior Medical Students ang bubuo para sa mga magbabantay sa mga lugar na isasailalim sa zonal containment.