Pinaiimbestigahan ng gobernador ng California ang naging problema sa tubig sa pag-apula sa wildfires sa Los Angeles.

Binigyang-diin ni Governor Gavin Newsom na ang imbestigasyon sa Los Angeles Department of Water at Power sa gitna ng mga ulat na walang water pressure sa fire hydrants at kulang na water resources sa wildfire zones ay upang malaman kung ano ang naging problema.

Kaugnay, nakatakdang maging epektibo ang curfew sa ilang lugar na sinalanta ng wildfires.

Ito ay ipapatupad sa Pacific Palisades at Eaton areas kasabay ng babala ng mga pulis na aarestuhin ang sinumang magsasagawa ng pagnanakaw sa mga inabandonang mga bahay.

Samantala, humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng LA matapos ang ikalawang maling alert message na ipinadala sa mga mobile phones ng mga residente na nagbabala na maghanda para sa paglikas.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, umaabot na sa 11 ang namatay sa wildfires at tinatayang mahigit 10,000 na kabahayan at iba pang istraktura ang nasira.

Inilarawan naman ni US President Joe Biden ang Los Angeles na “war scene” at nagbabala na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga namatay.

Naghahatid naman ng pangamba ang pagtaya ng mas malalakas na hangin na lalong magpapalala sa wildfires.