Nadagdagan pa ang mga nabiktima ng paputok ngayong Holiday season sa lambak ng Cagayan.

Batay sa inisyal na datos na ipinalabas ng Epidemiology Bureau ng Department of Health Region II, siyam ang nadagdag sa kaso ng mga firecracker related injuries, kaya umakyat na ito sa labing-pito (17) mula Dec.21 hanggang Enero 1.

Siyam dito ay mga babae habang ang iba ay kalalakihan na may edad 4 hanggang 71 taong gulang.

Kaugnay nito, naitala sa Santiago City ang may pinakamaraming kaso ng biktima ng paputok habang lima naman sa Tuguegarao City, tig-dalawa sa probinsya ng Cagayan at Isabela at isa sa Nueva Vizcaya.

Sa pinakahuling tala ng DOH, walang naitala o zero-firecracker related incident sa Batanes, Quirino, Ilagan City at Cauayan City.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng kagawaran na wala pang napapaulat na kaso ng stray bullet injuries o pagkalunok ng paputok.

Ilan sa kaso ng mga sugatan ay bunsod ng ipinagbabawal na paputok tulad ng dragon, fountain, boga, kwitis, piccolo at ilang unlabeled na paputok.

Sa kabila ng mga bagong insidente, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 39 percent o hindi bababa sa 11 ang bilang kumpara sa mga nabiktima ng paputok sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na umabot sa 28.