Aabot na sa 800 katao sa Africa ang nasawi dahil sa mpox, ayon sa ulat ng African Union’s disease control center.
Kaugnay nito ay nagbabala naman ang ahensya na ang epidemya ay “hindi pa nakokontrol.”
Mula noong Enero, nakapagtala ang AU’s Centres for Disease Control and Prevention (Africa CDC) ng kabuuang 34,297 kaso sa buong kontinente, kabilang ang 38 kaso sa Ghana.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 16 na bansa sa Africa ang opisyal na nakapagtala ng mpox ngayong taon.
Binanggit din ng ahensya na ang antas ng pagsusuri para sa mpox ay nananatiling “masyadong mababa,” na mayroong 2,500 bagong kaso na natukoy sa nakaraang linggo.
Ang mpox, na dating kilala bilang monkeypox, ay sanhi ng virus na naipapasa mula sa mga nahawaang hayop patungo sa tao, ngunit maaari rin itong mailipat mula sa tao patungo sa tao sa pamamagitan ng malapit na pisikal na kontak.
Nagdudulot ito ng lagnat, pananakit ng kalamnan, at malalaki at namamagang pantal sa balat, at maaaring maging nakamamatay.