Nadagdagan pa ang bilang ng mga residenteng inilikas kasunod ng nangyaring sagupaan ng militar at mga rebeldeng grupo sa Hacienda Intal, Baggao, Cagayan noong ika 2-Pebrero, 2023.

Mula sa dating 107 pamilya na unang inilikas ay nadagdagan pa ito noong Sabado na may kabuuang 149 pamilya o katumbas ng 272 indibidwal mula sa Purok Rig-gaay at Purok Matarakung sa Zone 7, Sitio Birao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Brgy Captain Morris Aliman na karamihan sa mga nagsilikas ay mga Igorot, Itawes at Agta na kasalukuyang nasa isang pribadong bahay sa Sitio Birao Proper.

Ayon kay Aliman, nangangamba pa rin ang mga residente na bumalik sa kanilang mga tahanan dahil sa takot na muling sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng militar at mga rebelde.

Bukod sa nagpapatuloy na hot pursuit at clearing operations ng militar ay naglatag rin ng checkpoint ang PNP sa nasabing barangay kung saan hinahanapan ang bawat papasok ng Brgy certificate o cedula upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

-- ADVERTISEMENT --

May oras din sinusunod ang pinapahintulutang residente na umuwi sa kanilang tahanan para magpakain ng kanilang mga alagang hayop.

Dagdag pa ng kapitan ng Barangay na sapat naman ang food assistance na ibinibigay sa mga apektadong pamilya mula sa municipal at provincial government.

Nabatid na nagsimula ang engkwentro matapos maglunsad ng focused militaru operations ang kasundaluhan laban sa tinatayang 15 miyembro ng KOMPROB Cagayan at Isabela na dumaan sa Hacienda Intal at matapos ang 20-minutong palitan ng putok ay umatras rin ang mga rebelde.

Narekober sa lugar ang dalawang uri ng armas pandigma na naiwan ng nakalabang NPA.

Wala namang nasugatan sa panig ng militar at mga residente at ang bakas ng dugo sa lugar ay pinaniniwalaang mula sa rebeldeng grupo.