TUGUEGARAO CITY-Umabot sa 17 ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang naitala nitong Setyembre 28, 2020 na inilabas ngayong araw sa buong Rehiyon dos.
Batay sa panibagong datos na inilabas ng Department of Health (DOH)-Region 02, mula sa bagong kaso ng virus, tig-anim ay mula sa Isabela at Santiago City, apat sa Cagayan at isa sa Batanes.
Nasa 20 naman ang bagong nakarekober kung saan 11 dito ay mula sa Nueva Vizcaya, anim sa Isabela at tatlo sa Cagayan.
Isa naman ang bagong naitalang nasawi sa covid-19 na isang 82-anyos na lola mula dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Kaugnay nito, umakyat na sa 1,686 ang kabuuang naitalang confirmed cases ng covid-19 sa rehiyon kung saan nasa 453 ang active cases, 1,205 ang nakarekober at 28 ang nasawi.
Mula sa bilang ng aktibong kaso, 59 percent ay asymptomatic, 40 percent ang nasa mild condition at 1 percent ang severe.
Pinakamarami sa mga naitalang kaso ay mula sa Isabela na may 623, Nueva Vizcaya na may 559, 412 sa Cagayan, 86 sa Santiago City, lima sa Quirino at isa sa probinsya ng Batanes.