Umakyat na sa 12 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Tropical Storm Basyang, batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD).

Ayon sa OCD, siyam sa mga nasawi ay naitala sa Northern Mindanao (Rehiyon X)kung saan apat ang namatay sa isang pagguho ng lupa sa Cagayan de Oro City, habang apat naman ang nasawi sa Lanao del Norte. May isa pang pagkamatay sa rehiyon na sumasailalim pa sa beripikasyon.

Sa Rehiyon ng Caraga, tatlong katao ang iniulat na nasawi dahil sa pagkalunod—dalawa sa Surigao del Sur at isa sa Agusan del Norte.

Sa ulat ng weather bureau, limang beses nag-landfall ang Basyang sa kabuuan ng panahon ng pagbabantay dito.

Umabot sa tropical storm category ang sistema ng panahon sa rurok nito bago humina at naging remnant low bandang alas-2 ng madaling araw ng Sabado, at tuluyang nawala bandang alas-8 ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Iniulat din ng mga awtoridad ang malawakang paglikas. Tinatayang 3,800 pamilya ang lumikas sa Iligan City, habang mahigit 2,000 indibidwal naman ang inilikas sa Cagayan de Oro City.

Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigit ₱27 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi nito sa mga pamilyang apektado ng Basyang sa buong bansa.