Ipinapakita ng datos ng Department of Health (DOH) na karamihan sa mga aksidente sa kalsada ngayong Semana Santa 2025 ay bunga ng hindi pagsusuot ng mga pangunahing safety gear tulad ng helmet at seatbelt.
Mula Abril 13 hanggang 17, naitala ang 288 insidente, kung saan 221 ay sangkot ang mga motorsiklo.
Sa mga nasugatan, 235 ang walang suot na safety accessories, habang apat naman ang nasawi dahil sa motorcycle crashes.
Bukod dito, lumabas na 20 sa mga sangkot sa aksidente ay nasa impluwensya ng alak.
Bagamat mas mababa ng 35% ang kabuuang bilang ng aksidente kumpara noong 2024, nananatiling mataas ang bilang ng mga hindi sumusunod sa safety protocols.
Ayon sa DOH, 82% ng mga naaksidente ay hindi nakasuot ng helmet o seatbelt sa oras ng insidente.
Bilang paalala, hinikayat ng ahensya ang publiko na ugaliing magsuot ng safety gear, umiwas sa pagmamaneho kapag pagod o naka-inom, at sundin ang itinakdang speed limit.
Mahalaga rin umano ang sapat na pahinga, mahinahong pagmamaneho, at pagiging alerto sa kalsada para makaiwas sa disgrasya.